
Mga Kuwentong Barbero ni Bob Ong
Siguro alam mo na kung ano ang africhado, kung saan ang Ganges River sa Pilipinas, at kung bakit may mga taong umaakyat ng overpass pero hindi naman tumatawid. Pero alam mo na rin ba kung bakit sa ilalim ng overpass tumatawid ang mga Pilipino? Kung ano ang lasa ng Toning Water? Kung sino sila Ciriaco, Procopio, Espiridiona, Troadio, at Maxima? Kung paano makipagkaibigan sa mga bangaw? Kung ano ang nagpapaalat sa itlog na maalat? Kung ano ang alam ni Claire Danes na hindi mo alam? At kung bakit nagbabasa pa rin ang mga Pilipino kahit sabihan pang "Bawal Basahin ang Nakasulat Dito"?
Nang isulat ko ang "ABNKKBSNPLAko?! Mga Kwentong Chalk ni Bob Ong," ipinakilala ko sa mga dating mambabasa ng Bobong Pinoy ang tao sa likod ng nasabing website. Sa wakas, nasagot na rin ang makulit na tanong na "Taga-U.P. ba si Bob Ong?" Yun nga lang, hindi pa rin doon nagtapos ang usapan. Dahil para naman sa mga ngayon pa lang nakabasa ng mga kuwentong barbero ni Bob Ong, umikot lang ang tanong sa pinagmulan nito: "Ano ang Bobong Pinoy?"
Naisalin na ang nasabing website sa isang libro. Ang "Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?" ay iniaalay namin sa lahat ng mga kababayang handa nang mag-almusal at gustong makatulong...qualified man o hindi! Sa ngalan ng mga manunulat at mga taong dating bumubuo ng Bobong Pinoy, ihinahandog po namin ito sa inyo.